Barbero lasog sa jeep at bus

MANILA, Philippines – Lasog ang isang barbero makaraang mabundol ng isang pampasaherong jeep habang nagbibisikleta at magulungan pa ng isang pampasaherong bus sa MacArthur Highway, Valenzuela City Miyerkules ng hapon.

Matinding pinsala sa ulo at katawan ang tinamo ng biktimang nakilalang si Randy Benavidez, 34-anyos, ng Donesa St., Balubaran, Brgy. Malinta, ng naturang lungsod.

Hawak naman ngayon ng pulisya ang driver  ng pampasaherong jeep (CLD-830) na si Norberto Gusi, 54, at tsuper ng Act Transit Bus (TXW-657) na si Christopher Vicente, 26, ng Project 6 Quezon City.

Sa ulat ng Valenzuela City Police, nagbibisikleta ang biktima sa southbound lane ng MacArthur Highway nang mabundol ng kasalubong na jeep na minamaneho ni Gusi.  Tumilapon ang biktima sa gitna ng kalsada at nagulungan pa ng bus makaraang hindi agad makapagpreno ang tsuper na si Vicente.

Isinugod pa sa Valenzuela City Medical Center ang biktima ngunit idineklara na itong walang buhay dahil sa tindi ng mga pinsalang natamo.

Kusang-loob namang sumuko sa pulisya ang dalawang driver na nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting in homicide habang naka-impound naman ang mga sasakyan na sangkot sa insidente.

Show comments