Pinaghinalaang nanira at nagpasibak sa kanila: Bebot utas sa 4 na dating katrabaho

Sa ulat ng pulisya, nabatid na sinibak sa kanilang trabaho ang apat na suspek dahil sa sari-saring kapalpakan sa trabaho  at pangit na rekord. STAR/File photo

MANILA, Philippines – Dahil sa umano’y paninira at pagsusu­ngit sa kanila, nagsabwatan ang apat  na   lalaki na pinagsasaksak ang dating kasamahan sa kompanya makaraang matanggal sila sa trabaho, kamakalawa ng umaga sa Valenzuela City.

Hindi na umabot ng buhay sa Valenzuela City Medical Center dahil sa tinamong mga saksak sa dibdib at sikmura ang 43-anyos na si Marites Valdeztamor, stay-in checker ng VKB Bone Trading na nasa Phase 2 Pearl Island Compound, Brgy. Punturin, ng naturang lungsod.

Pinaghahanap naman ngayon ang mga tumakas na suspek na sina Rex Valentino, 20; Arnold Beno, 20; Rimark Calasag, 19; at isang alyas “Terry”, pawang mga helper sa naturang kompanya.

Sa ulat ng pulisya, nabatid na sinibak sa kanilang trabaho ang apat na suspek dahil sa sari-saring kapalpakan sa trabaho  at pangit na rekord. 

Dakong alas-9:30 ng umaga matapos na matanggap ang masamang balita, nilapitan ng apat  ang biktima sa loading area ng kompanya.

Ngunit sa halip na magpaalam, nagbunot ng patalim si Valentino at sinaksak ang biktima sa dibdib at sikmura habang tinatabingan at nagsilbing look-out ang tatlong kasamahan.  Agad na nagsitakas ang apat nang duguang bumagsak ang biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon, may kinikimkim na galit ang apat na suspek sa biktima dahil sa umano’y hindi magandang pakikitungo nito sa mga tauhan. Posible rin na hininala ng mga suspek na si Valdeztamor ang nagrekomenda na mapatalsik sila sa trabaho habang nalalapit naman ang Pasko.

Show comments