MANILA, Philippines – Muling nakakumpiska ng mga kontrabando ang raiding team ng Bureau of Corrections (BuCor) sa pangwalong ‘‘Oplan Galugad Operation’’ na isinagawa sa New Bilibid Prison (NBP), Muntinlupa City, kahapon ng umaga.
Ayon kay BuCor Director Retired Lt. General Ricardo Rainier Cruz III, alas-5:30 kahapon ng umaga nang salakayin ng kanyang mga tauhan ang maximum security compound, sa NBP.
Nakasamsam sa building 8 ng quadrant 3 ng 20 plastic sachet na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu na nakalagay sa kulay itim na wallet na kasama ang mga bola ng bilyar, 9 na pirasong aluminum foil, drug paraphernalias, 2 improvised na baril, 1 frame na ginagamit na materyales sa paggawa ng baril, silencer, 2 lagare, ibat-ibang uri ng patalim at matutulis na bagay.
Ayon sa impormante sa loob ng NBP na tumangging magpabanggit ng pangalan, nasa P5,000 kada isang sachet ang bentahan ng shabu sa kanilang brigada.
Ngunit tumanggi rin itong pangalanan ang supplier ng shabu sa loob ng naturang bilangguan.
Nasamsam naman sa building 8 dalawang lata na naglalaman ng daan-daang piraso ng hinihinalang sex enhancer pills at mga appliances tulad ng electric fan at mga DVD player.
Sa building 5 naman ng quadrant 4 ay nakuha ang 17 sachet ng hinihinalang shabu, dalawang cellphone at isang tablet. Nabatid, na ito na ang pangwalong ”Oplan Galugad Operation” ng BuCor kahit sa kasagsagan ng malakas na ulan dulot ng bagyong Nona.