Lolo ‘basted’ sa misis ng apo, nag-suicide

Base sa kuwento ng saksing si Garry Capellan, anak ni Edgardo, kasalukuyan siyang naghahanda ng pananghalian sa kanilang bahay nang makarinig siya ng magkasunod na mga putok ng baril na nagmumula sa bahay ng kanyang tatay. Philstar.com/File

MANILA, Philippines – Patay ang isang 65- anyos na lolo matapos na magbaril sa sarili sa harap ng kanyang anak ilang segundo makaraang barilin muna nito ang misis ng kanyang apo na ngayon ay nakaratay sa ospital dahil sa isyu ng pagkakagusto umano ng una sa huli sa lungsod Quezon, ayon sa ulat kahapon.

Sa ulat na nakarating sa Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) mula sa Police Station 3, nakilala ang nasawi na si Edgardo Capellan, caretaker, ng Brgy. Tandang Sora sa lungsod.

Habang ang sugatan naman ay nakilalang si Joan Tesorero, 21, umano’y asawa ng apo ng matanda at residente rin sa nasabi ring lugar.

Si Tesorero ay nakaratay ngayon sa Quezon City General Hospital dahil sa tama ng bala sa likod at kanang hita.

Base sa pagsisiyasat ni P02 Victor Mendoza,  nangyari ang insidente sa kanilang tinutuluyan ganap na alas-11:45 ng umaga.

Base sa kuwento ng saksing si Garry Capellan, anak ni Edgardo, kasalukuyan siyang naghahanda ng pananghalian sa kanilang bahay nang makarinig siya ng magkasunod na mga putok ng baril na nagmumula sa bahay ng kanyang tatay.

Ilang sandali nagpunta umano si Tesorero sa kanyang bahay at sinabing binaril siya ng kanyang tatay.

Dahil dito, agad na inalalayan ni Garry si Tesorero para dalhin sa isang ospital para magamot pero habang nasa daan ay nasalubong nila si Mang Edgardo na may bitbit na baril.

Sa puntong ito, tinangka ni Garry na awatin ang ama pero sa halip na sumunod ay itinutok umano nito ang dalang baril sa kanyang ulo saka kinalabit at pinaputok. Dead on the spot sa lugar si Mang Edgardo habang ang sugatang si Tesorero naman ay isinugod ng kanyang mga kaanak sa naturang ospital na agad naman nilapatan ng lunas.

Samantala, sabi pa ni Men­doza, base sa kuwento ng biktima, sinimulan na umano niyang iwasan ang matanda makaraang maram­daman niyang nagkakaron   na ito ng pagnana­sa sa kan­ya lalo na ang kagustuhan nitong humalik siya dito kapag dumarating ng bahay.

Ang naturang insidente ay ipinagtapat na umano ni Tesorero sa kanyang kinakasama at nagsabing kokomprontahin nito ang matanda. Bukod dito, hindi rin anya sila makakaalis sa poder ng matanda dahil wala pa naman silang pera para pang-upa ng bahay.

Nang maganap umano ang pamamaril, dagdag ni Mendoza, tinangka uma­nong muling lapitan ng matanda si Tesorero kung kaya umiwas ito na ikinagalit ng una at hinugot ang dala niyang baril saka pinaputukan siya.

Show comments