MANILA, Philippines - Isa ang patay habang dalawa pa ang malubhang nasugatan makaraang pagbabarilin ang mga ito ng isang lalaki na nainis dahil sa pag-iingay ng mga una habang nag-iinuman sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, kinilala ang nasawi na si Rexor Tupas, 25, ng Brgy. Commonwealth sa lungsod.
Habang sugatan naman sina Jimmy Estoque, 25, meka-niko ng Brgy. Bagong Silangan; at Jaqueline Salvador, 24, ng Brgy. Commonwealth. Ayon sa pulisya, inaalam pa nila ang pagkakakilanlan ng salarin na mabilis na tumakas sakay ng isang motorsiklo makaraan ang pamamaril.
Sa imbestigasyon ni PO2 Rhic Roldan Pittong, nangyari ang insidente sa Kaunlaran St. sa kanto ng Kamagong Extension, Brgy. Commonwealth, ganap na alas-9:55 ng gabi.
Bago ito, masaya umanong nag-iinuman sina Tupas at Argana, kasama ang isang Edward Argana, at iba pang kasamahan sa trabaho nang biglang sumulpot ang suspect at pinagmumura ang mga ito matapos maingayan sa kanila.
Kasunod nito, biglang nagbunot ng baril ang suspect saka binaril si Tupas na agad na ikinasawi ng huli. Hindi pa nakuntento pinaputukan pa ng suspect ang grupo ni Tupas dahilan para tamaan si Estoque sa leeg.
Matapos nito ay naglakad papalayo ang suspect habang ang mga biktimang sina Estoque at Salvador ay itinakbo ng mga rumispondeng Barangay Public Safety Officer mula sa Brgy. Commonwealth sa East Avenue Medical Center kung saan sila nilapatan ng lunas.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa crime scene narekober ang tatlong basyo ng hindi mabatid na bala habang si Tupas naman ay nagtamo ng isang tama ng bala sa likurang bahagi ng kanyang ulo na siyang agad na ikinamatay nito.