MANILA, Philippines - Utas ang isang lalaki habang dalawang kasama nito ang nasugatan matapos makipagbarilan sa mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) habang nagsasagawa ng anti-illegal drug operation laban sa mga suspek, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Dead on arrival sa San Juan De Dios Hospital ang suspek na si Dario Cuenca, 49, ng Brgy. Dita, Santa Rosa, Laguna, nagtamo ng ilang tama ng bala sa ibat-ibang parte ng katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.
Ginagamot naman sa nabanggit na ospital ang dalawa pang suspek na sina Bryan Marcelo, 41, nakatira sa San Pablo Laguna at Jeoffrey Magaspac, 48, ng Brgy. Balibago, Santa Rosa, Laguna.
Base sa isinumiteng report ni SPO3 Joel Landicho, ng Homicide Section kay Senior Supt. Joel B. Doria, hepe ng Pasay City Police, naganap ang insidente alas-7:00 ng gabi sa panulukan ng Marina Way at Seaside Boulevard, ng naturang siyudad.
Nagsagawa umano ng anti-illegal drug operation ang NBI sa pamumuno ni Atty. Jerome Bomidiano laban sa naturang mga suspek.
Lulan ang tatlong suspek ng isang kulay silver na Hyundai Accent Sedan, (AAV-8780) habang sakay naman ang operatiba ng NBI ng kulay itim na Toyota Fortuner.
Nabatid na natunugan ng mga suspect ang operasyon kung kaya agad na pinaputukan ng mga ito ang mga awtoridad dahilan upang gumanti ang operatiba na ikinasawi ng isa sa mga suspect.
Narekober ng NBI mula sa mga suspek ang isang plastic sachet, na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu, 1 kalibre .45 baril, mga bala, IDs, mga dukomento at sasakyan ng mga suspek.