MANILA, Philippines – Isang 8-taong gulang na batang lalaki ang nailigtas mula sa pinaniniwalaang sindikato ng mga nangingidnap ng mga batang ginagamit sa pagpapalimos nang mamataan ito sa Quiapo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Sinabi ng mga magulang nito na noong Nobyembre 13, 2015 pa nawala ang biktima habang naglalaro sa isang computer shop sa Cubao, Quezon City.
Matagal nang pinaghahanap ang bata sa erya ng Cubao, Philcoa sa QC at sa Sta. Cruz, Maynila hanggang sa may nakapagsabi sa kanila na namataang namamalimos ang kanilang anak sa Quiapo.
Arestado naman ang suspek na umano’y handler ng biktima na kinilalang si Noel De Leon, na kasalukuyang pinipigil sa Manila Police district-station 3, para sa pormal na pagsasampa ng reklamong Child Trafficking at Abduction.
Sa ulat mula kay Chief Inspector John Guagui, block commander ng Plaza Miranda Police Community Precinct (PCP), dakong alas 9 ng gabi nang mailigtas ang bata habang ang suspek naman ay naaresto din sa Plaza Miranda.
Humingi ng police assistance ang mga magulang ng bata at agad ikinasa ang operasyon kaya nahuli ang suspek at naisalba ang bata.
Sa naging pahayag ng biktima, inuutusan silang mamalimos ng suspek at sa kalsada lamang sila natutulog. Kung makaipon na sila ng malaki mula sa limos dadalhin naman sila sa Pampanga.
Gayunman, ang biktima lamang ang naisalba at hindi pa tinukoy kung nasaan at sinu-sino pa ang mga biktimang sinasabi ng bata na kasama niya sa pagpapalimos.