MANILA, Philippines – Bukod sa pagpo-post sa mga social media sites sa reklamo sa trapiko, binigyan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga netizens ng partisipasyon sa paglaban sa sari-saring obstruksyon sa kalsada na sanhi ng matinding pagbibigat sa trapiko.
Nanawagan kahapon si MMDA Chairman Emerson Carlos sa mga netizens na tangkilikin ang kanilang bagong programang “Netizens Watch” na inilunsad nito lamang Disyembre 8.
Sa pamamagitan nito, maaaring kunan ng litrato at isumbong ng mga netizens na commuters at motorista ang mamomonitor nilang mga obstruksyon tulad ng mga iligal na nakaparadang mga behikulo, sidewalk vendors, mga hukay, at iba pang istruktura sa kalsada.
Inilunsad ang programa makaraan ang reklamo ng mga netizens na agad rin namang nagbabalikan ang mga vendors at sasakyan sa mga kalsadang inooperate ng ahensya katuwang ang Department of Interior and Local Government (DILG).
Maaaring ipadala ang mga nakunan na litrato at reklamo sa opisyal na Twitter account ng MMDA sa @MMDA o sa pamamagitan ng MMDA Viber Hotline na 09061476975.
Kailangang isama sa ulat ang tamang lugar at oras at petsa kung kailan nakunan ang larawan. Agad namang magsasagawa ng berepikasyon ang MMDA sa mga ulat habang reresponde ang kanilang mga tauhan sa mga balidong reklamo.
Bukod dito, tatanggap rin ng sumbong ang Netizens Watch laban sa mga umaabuso, tamad at tumatanggap ng kotong na mga enforcers.