MANILA, Philippines - Dahil sa pagkataranta habang nasusunog ang kanyang bahay, isang 30-anyos na mister ang tumalon sa ilog na naging dahilan ng kamatayan nito kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.
Kinilala ang nasawing biktima na si Wilbert Zilahi, nakatira sa Road 1, Westline Lingahan ng naturang lungsod.
Ayon sa Valenzuela City Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog alas-11:00 ng gabi sa bahay ng isang Ruel Rebarter sa Road 1, Barangay Malanday.
Sa pahayag ni Rebarter sa mga arson investigator, isang bayaw aniya niya na hindi binanggit ang pangalan ang nagsunog ng mga basura sa loob ng bahay nito para patayin ang mga nagkalat na surot.
Subalit, biglang lumaki ang apoy hanggang sa kumalat ito at tinupok ang may 200 kabahayan kabilang ang bahay ni Zilahi dahil gawa lamang ang mga ito sa light materials.
Dito nataranta ang biktima, kung kaya’t tumalon ito sa ilog na malapit sa kanyang tinitirhan na naging dahilan naman ng kanyang pagkalunod. Alas-5:00 ng umaga ng ideklara ng mga awtoridad na kontrolado na ang sitwasyon. Nasa 600 pamilya ang nawalan ng tirahan.