MANILA, Philippines - Natimbog ng mga operatiba ng Quezon City Police District-Anti Illegal Drugs Special Operation Task Group (QCPD-AIDSOTG) ang tatlong drug pushers, kabilang ang isang Chinese national matapos makuhanan ng 10 kilo ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa lungsod ng Pasay, kahapon ng umaga.
Sa ulat ni Chief Insp. Enrico Figueroa, hepe ng QCPD-AIDSOTG ang mga suspect ay kinilalang sina Yong Han Cai, 41, ng Tanza Cavite; Jamil Lawi, 19 at Aira Reneses, 33, kapwa ng Fairview, Quezon City. Ayon kay Figueroa, nadakip ang mga suspect sa sa kahabaan ng Macapagal Avenue, Pasay City, ganap na alas-11 ng umaga.
Bago ito, sabi ng opisyal, ilang linggo na nilang minanmanan ang grupo ng mga suspect matapos makakuha ng impormasyon mula sa mga nauna nilang mga nadakip na drug pushers kaugnay sa malawakang pagbebenta ng mga ito ng iligal na droga, partikular ang shabu.
Dahil dito, agad na nakipagtransakyon ang tropa ng DAID para bumili ng shabu na nagkakahalaga ng P3 milyon, gamit ang isang PDEA agent na magkukunwaring poseur buyer.
Unang nagkasundo ang poseur buyer at mga suspect na magbentahan sa isang restaurant sa bahagi ng Cubao, pero pagsapit sa lugar ay binusisi lamang ng mga huli ang dalang pera ng una at nang makitang positibo ay nagpasyang sa Pasay na lamang sila magkaabutan.
Sakay ng isang Honda (NRI-758) at isang Crosswind ay dumating ang mga suspect sa naturang lugar sa Pasay kung saan naghihintay ang awtoridad. At nang magpalitan ng items ay saka na kumilos ang iba pang nakaantabay na operatiba at agad silang inaresto.
Narekober sa mga suspect ang isang 10 kilo ng shabu, dalawang sasakyan at ang marked money (boodle) na ginamit sa nasabing operasyon. Nasa kustodiya ngayon ng QCPD-DAID ang mga suspect para sa isasagawang interogasyon.