MANILA, Philippines – Mahigit sa 70,000 senior citizens, na pawang BLU card holder ang tumanggap ng cash gift mula sa pamahalaang lungsod ng Makati.
Sa ulat ni Remedios Ramos, Officer-In-Charge (OIC) Makati Social Welfare Development (MSWD) kay Makati City Mayor Romulo “Kid” Peña Jr., inumpisahan ang pamamahagi ng cash gift sa mga matatanda na residente ng lungsod noong nakaraang Disyembre 2 hanggang sa Dec. 12 ng taong kasalukuyan, simula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.
Nabatid na ang mga matatandang may hawak na BLU card, na nasa 70,203 ang bilang ang tumanggap ng cash gift.
P1,000 ang tatanggapin ng mga may edad 60 hanggang 69-anyos; P1,500 para sa may edad na 70 hanggang 79-anyos at P2,000 para naman sa may mga edad 80-anyos pataas.
Nabatid, na ngayong taon ito nasa P82,453,000 cash gift ang ipinamahagi sa mga senior citizens ng pamahalaang lungsod ng Makati bilang Pamaskong handog sa kanila.