MANILA, Philippines – Patay ang isang babaeng barangay kagawad makaraang masagasaan ng isang pampasaherong bus sa mataong lugar sa Cubao, lungsod Quezon kamakalawa.
Sa ulat ng Quezon City Police District Traffic Sector 3, ang biktima ay nakilalang si Elnor Labro, 58, Brgy. Kagawad sa Iloilo at pansamantalang nanunuluyan sa Blk.149, Lot 33, Contreras St., Sitio Central, Upper Bicutan, Taguig City.
Hawak naman ng nasabing himpilan matapos na kusang sumuko ang suspect na si Primitivo Ortiz, 54, driver ng Altro Transport Bus (TYR-684), tubong Surigao Del Norte at naninirahan sa Dasmariñas, Cavite.
Ayon sa ulat ni PO3 Re-nato Sunga, imbestigador sa kaso, nangyari ang insi-dente sa kahabaan ng Edsa northbound, partikular sa tapat ng Five Star Bus Terminal, Brgy. E. Rodriguez, Cubao, sa lungsod, ganap na alas-6:20 ng gabi.
Sa pagsisiyasat, lumalabas na bago ang insidente ay kabababa lang umano ng biktima mula sa isang pamasaherong bus nang bigla itong masagasaan ng Altro Transport Bus.
Sa lakas ng pagkakabangga ay nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan ang biktima at tinangka pang isugod ng mga nagrespondeng MMDA Rescue Team sa East Avenue Medical Cen-ter (EAMC) subalit idineklara itong dead on arrival.
Kasong reckless imprudence resulting in homicide ang isinampa ng TS3 laban sa driver ng bus.