MANILA, Philippines – Inireklamo ang isang director ng National Police Commission (NAPOLCOM) matapos nitong sugurin, insultuhin at pagbantaan ang isang police woman na naganap mismo sa tanggapan ng Makati City Police, kamaka-lawa ng hapon.
Kinilala ang inirereklamo na si NAPOLCOM National Capital Regional (NCR) Acting Director II Francisco Delos Santos.
Samantala, ang complainant naman nito ay nakilalang si SPO2 Rosalyn Panes, nakatalaga sa Makati City Police.
Base sa blotter ng Makati City Police Complaint Desk, naganap ang insidente alas-3:00 ng hapon mismo sa tanggapan ng naturang himpilan ng pulisya.
Bago ang insidente ay tumawag muna sa tanggapan ng chief of police si Delos Santos at ang nakasagot sa telepono ay si Panes.
Kung saan inuutusan ni Delos Santos, na tanggalin aniya ang mga sasakyang ilegal na naka-park sa NAPOLCOM-NCR sa Jupiter St., Brgy. Bel-Air ng naturang lungsod at sumagot naman ng “oo” si Panes.
Subalit, ilang minuto ay muling si Delos Santos at ang muling nakasagot ay si Panes at dito ay galit na galit na sinigawan ng una ang huli, kung bakit hindi pa tinatanggal ang mga sasakyang naka-illegal parking.
“Bakit hindi ninyo mapatanggal itong mga nakaparada sa Jupiter! Naglalagay ba ito sa inyo? Tawagan ko ngayon si Col. Barlam at siya mismo ang patatanggalin ko ng nakaparada dito”, ayon umano kay Delos Santos.
Dahilan upang tanungin ng police woman ang pangalan nito, na lalung ikinagalit ni Delos Santos at sabay na nagbitiw ng salita at sina-bing “hindi mo ba ako kilala ako ang regional director ng NAPOLCOM, si Director Delos Santos at bigla na lamang naputol ang linya sa telepono.
Dito na umano sinugod ni Delos Santos si Panes sa Makati City Police Headquarters at dito ininsulto ang naturang police woman at pinagbantaan itong kakasuhan dahil minura umano siya nito (ni Panes).
Subalit, ayon kay Panes, hindi niya minura si Delos Santos at hindi niya aniya gagawin ito sa isang opisyal ng gobyerno.
Dahilan upang ipa-blotter ng naturang police woman ang insidente na nalaman na mahilig umanong manigaw at mang-insulto sa mga pulis si Delos Santos.
Isa pang police Makati umano ang nauna nitong ininsulto at pinagbantaang ipapatapon sa kangkungan.