MANILA, Philippines – Mariing binalaan ng pamahalaang lungsod ng Taguig ang lahat ng nagtitinda ng karne na tanging sa government-accredited slaughterhouses at distributors lamang kumuha ng kanilang paninda kasabay ng babala na mahaharap sa kaukulang kaparusahan ang sinumang magbebenta ng mga kontaminado at double-dead meat, na mas kilala sa tawag na ‘bocha’.
Ayon kay Taguig City Mayor Lani Cayetano, ang pagbebenta ng ‘hot meat’ ay mas nagiging laganap sa mga panahong sunud-sunod ang mga okasyon at handaan lalu na ngayong Kapaskuhan.
Pinaalalahanan din ng mayor ang mga mamimili na suriing mabuti ang bibilhing karne.
Sa mga nagnanais na mag-report o magbigay ng impormasyon hinggil sa bentahan ng ‘bocha’ ay maaaring makipag-ugnayan agad sa City Veterinary Office o barangay leaders na nakasasakop sa kanilang lugar.
Matatandaan, na noong Nobyembre 23 ng taong kasalukuyan, pinulong ng City Veterinary Office ang mga barangay captain at meat vendors ng lungsod para sa isang orientation seminar hinggil sa food safety na idinaos sa Bonifacio Global City.
Ang “Orientation on Meat Inspection Service” na ito ay dinaluhan ng 23 barangay leaders at 170 meat vendors kung saan itinuro sa kanila ang food safety o ang tama at ligtas na paraan ng meat product handling at iba pa.
Pinayuhan din ng City Veterinary Office ang mga magkakarne tungkol sa tamang paraan ng pagtatabi ng mga panindang hindi nabili sa maghapong pagtitinda.
Mahigpit din ang bilin ng pamahalaang lokal sa meat vendors ng Taguig na dapat ay tiyaking sumailalim sa kaukulang inspeksyon ang kanilang itinitinda at binalaan hinggil sa pagbalewala sa patakaran.