6 na prison guard sa Bilibid, sinisiyasat

MANILA, Philippines – Nasa ‘hot water’ ngayon ang anim na prison guards maka­raang makasamsam na naman ng mga kontrabado kabilang dito ang droga sa loob ng medium security compound ng New Bilibid Prison (NBP) sa isinagawang panibagong  “Oplan Galugad Ope­ration” ang pinagsanib na pwersa ng Bureau of Corrections (BuCor) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), kahapon ng umaga.

Ayon kay BuCor Director Ret. Lt. General Ricardo Rainier Cruz, pansamantala munang hindi pinangalanan ang anim na prison guards na iimbestigahan.

Nabatid na ang mga ito ay pawang mga nakatalaga sa building 1, 2, Security Patrol Unit-Inmate Custodial Aide, Reception and Diagnostic Center at sa Prison Inmate Labor Contract Officer (PILCO) Shop.

Napag-alaman pa na nang  magsagawa ng sorpresang ope­­rasyon alas-5:00 kahapon ng umaga, nadatnan at nahulihan nila ang anim na guwardya ng mga naggagandahang cellphone habang ang mga ito ay naka-duty .

Sinabi ni Cruz, sinalakay ng raiding team ang building 1 at 2, nakasamsam dito ng P18,740 na cash, ilang pirasong plastic sachet na nagla­laman ng pinatuyong dahon ng marijuana, magagandang cellphone, CD, DVD player, mga pamalong kahoy, mga patalim, gambling paraphernalia, mga manok na panabong, mga appliances, high powered fire­arms at mga antenna ng telebisyon.

Sa  medium security compound nakapiit, ang mga  may parusang 20-taong pagkabilanggo pababa kung saan mayroon itong pitong gusali at ibat-ibang pangkat ng mga preso na nasa 7,000 ang bilang. Ito na ang ika-pitong  Oplan Galugad na isinagawa ng raiding team ng BuCor.

Show comments