MANILA, Philippines – Arestado ang tiyahin ng isang estudyante ng La Salle Greenhills, sa Mandaluyong City, na unang nagsabing hinoldap sila ng isang lalaki sa loob ng parking lot ng naturang paaralan kamakalawa, matapos umamin kahapon na pinagplanuhan nila ng suspek ang krimen.
Kinilala ni Eastern Police District (EPD) Director P/Chief Supt. Elmer Jamias ang suspek na si Annalyn Perez, tiyahin ng isang grade 8 student ng paaralan.
Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang kasabwat ni Perez sa krimen, na kinilala lang sa alyas na ‘Billy.’
Batay sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Jamias, lumilitaw na dakong alas-2:15 ng hapon ay sinundo ni Perez sa parking lot ng La Salle Greenhills ang pamangking biktima.
Gayunman, kasasakay pa lang ng bata sa kanilang silver na Toyota Vios nang biglang sumakay sa sasakyan ang di kilalang suspek na armado ng patalim.
Nagdeklara ng holdap ang lalaki at humingi ng P100,000 mula sa mga biktima kapalit ng kanilang kaligtasan.
Kinontak naman ni Perez ang ama ng biktima, para ipaabot ang demand ng suspek.
Nagkatawaran at malaunan ay nagkasundo na P40,000 ang ibibigay sa suspek sa Tiendesitas sa Pasig City. Iniwan ng suspek ang bata sa Tiendesitas, at saka nagpahatid kay Perez sa isang mall sa Mandaluyong City para tumakas.
Magkakasama namang inireport sa pulisya nina Perez, at ama ng biktima ang krimen sa pulisya ngunit hiniling na nais lang nilang mai-rekord ang pangyayari para sa future reference.
Kahapon ng alas-3:30 ng hapon, inamin naman ni Perez sa imbestigasyon na plinano nila ni Billy ang robbery extortionsa pamilya ng pamangkin.
Nagsumite na rin naman ang pamunuan ng La Salle Greenhills ng kopya ng video footage na nagpapakita na nag-uusap pa ang dalawang suspek bago isinagawa ang krimen.