MANILA, Philippines – Hindi pa pinal ang planong pag-phase out sa mga lansangan sa mga passenger jeepney na may edad 15-years old pataas.
Ito ayon kay Atty. Ariel Inton, boardmember ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ay dahil wala pa namang naipapalabas na department order o anumang kautusan mula sa DOTC hinggil dito.
“Wala pa namang finality yan. May draft na naiprisinta tungkol sa phase out pero wala pang existing order tungkol diyan. Gusto natin na magkaroon ng modernization sa public transport tungkol sa jeep pero yan ay voluntary o kung nais ng mga jeepney owners na palitan ang kanilang unit,” pahayag ni Inton.
Anya, sa kondisyon ng buhay sa ngayon ay imposible na mapalitan agad-agad ng mga jeepney owners ang kanilang unit kayat nag-aaral ang ahensiya kung ano ang maaaring maitulong na package para matulungan ang mga jeepney operators.
“Dapat pa kasing pag- aralan ng mabuti yan kase ang tanong diyan e kapag nag-phase out ng jeep, saan ba dadalhin ang mga sasakyan na yan. Kaya kailangan ang matinding pag-aaral “ dagdag ni Inton.
Kahapon, nilusob ng grupong Allianced of Concerned Transport Organization ang LTO at LTFRB para tutulan ang jeepney phase out.
Nahinahon ang naturang grupo nang harapin ng mga opisyales ng LTFRB at sabihin sa transport group na wala pang order tungkol sa phase out ng jeep.