MANILA, Philippines – Nasawi ang isang lalaki na dumayo ng inuman makaraang pagsasaksakin ng isang grupo ng lalaki na nakainitan nila, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Hindi na umabot ng buhay sa Pasay General Hospital dahil sa mara-ming saksak sa katawan si Irish Arsagon, hustong gulang at residente ng Park Avenue, ng naturang lungsod.
Sa inisyal na ulat ng Pasay Police, dumayo ng inuman ang biktima at ilang kasamang lalaki nitong Sabado ng gabi sa may No. 187 Don Carlos Village nang makainitan ang isang grupo pa ng lalaki sa lugar nang magkalasingan na.
Nagkaroon umano ng sandaling rambol hanggang sa magtatakbo ang biktima at kasamahan. Nagawa umanong makapasok at makaakyat sa ikalawang palapag ng bahay ang kasama ni Arsagon na siyang napagbuntunan ng galit ng mga salarin at pagsasaksakin.
Mabilis na tumakas ang mga salarin na kasalukuyang kinikilala ngayon ng pulisya.