MANILA, Philippines – Nagmistulang malaking paradahan ang kahabaan ng EDSA dahil sa sobrang trapik kahapon.
Sa monitoring ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Metro Base, Pasay City hanggang patungong Quezon City matinding trapik ang naranasan ng mga motoristang bumabagtas sa kahabaan ng EDSA.
Halos walang galawan ang mga sasakyan, kung kaya’t nagmistulang malaking paradahan ang kahabaan ng EDSA mula Pasay City patungong Quezon City.
Nabatid na hindi lamang sa EDSA matrapik, apektado rin ng masikip na daloy ng trapiko ang ilang bahagi ng Roxas Boulevard, patungong Maynila, Magallanes, McKinley Road sa Makati City, patungong Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City.
Apektado rin ang Southbound partikular ang kahabaan ng EDSA pagitan ng Aurora Boulevard at P. Tuazon Street (service road), 1st lane mula sidewalk.
Gayundin ang Northbound, kahabaan ng EDSA pagitan ng New York Street at K-10 Street, 2ndlane mula sidewalk.
Ayon sa MMDA, isa sa sanhi ng matinding trapik na nararanasan ng mga motorista sa ilang pangunahing lansangan ng Metro Manila ay dahil sa pinatutupad na road re-blocking ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Idagdag pa rito ang mataas na volume ng mga sasakyan na bumabagtas sa EDSA.
Kung kaya’t para sa mga motorista at commuters mistulang kalbaryo ang kanilang naranasan dahil sa tindi ng trapik sa Kalakhang Maynila.