MANILA, Philippines – Itinakda kahapon ng iba’t ibang transport leader sa pangunguna ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) ang malawakan at malakihang tigil-pasada bukas, araw ng Lunes.
Sa press conference kahapon, sinabi ni ACTO President Efren de Luna na layunin ng transport holiday na maiparating sa Malakanyang ang kanilang matinding pagtutol sa planong pag-phase-out ng Land Transportation Franchising Reguatory Board sa mga pampasaherong jeep na may edad 15 taon pataas.
Ayon kay de Luna, kasabay ng tigil pasada sa Metro Manila ang tigil pasada sa iba’t ibang karatig lalawigan matapos magpahayag ng kanilang pagsuporta na papara-lisahin ang transportasyon lalu na ng mga passenger jeep at UV express.
Anya, nangangamba silang hindi na payagan ng gobyerno na makabiyahe pa sa darating na Enero ang mga jeep at iba pang pampublikong sasakyan na mayrooon ng 15 year old pataas.
Sinasabing pagpasok ng 2016 ay sisimulan na ng pamahalaan ang phase out sa jeepney na may edad 15 taon pataas upang mawalis ang mga kakarag-karag na pampasaherong jeep at maprotektahan ang kapakanan ng mga pasahero.