MANILA, Philippines – Tinatayang aabot sa milyong halaga ng ari-arian ang naabo sa sunog na lumamon sa gusali ng Aurora Tower sa Cubao lungsod Quezon, kahapon ng umaga.
Ayon kay Senior Supt. Jesus Fernandez, city fire marshal, nagsimula ang sunog sa nasabing gusali na pag-aari ng Araneta Center Corp. na matatagpuan sa loob ng Araneta Center, Araneta Blvd., Brgy. Soccoro, Cubao dakong alas- 10 ng umaga.
Sinasabing nagsimula ang apoy sa ika -14 na palapag ng gusali partikular sa electrical o power room kung saan mabilis na naglagablab ang apoy.
Sabi ni Fernandez, gumana naman umano ang lahat ng fire safety features ng gusali tulad ng sprinkler pero dahil malakas na ang apoy ay hindi na rin naka-yanan pang maapula ito.
Dahil pawang mga opisina ang nasabing gusali at naka-aircon, hindi na nakalabas ang usok kung kaya nabalot na ito ng makapal at maitim na usok at nahirapan na rin ang mga pamatay-sunog na mapasok ito para apulain.
Umakyat sa ikalimang alarma ang nasabing sunog na idineklarang fireout ganap na alas-12:38 ng tanghali.
Ayon pa kay Fernandez, wala namang ibang establisimento ang nadamay sa sunog kundi ang nasabing palapag lamang.
Wala rin anyang nasaktan o nasawi sa nasabing insi-dente habang patuloy ang ginagawang clearing operation sa nasabing lugar.