MANILA, Philippines – Matinding trapik ang naranasan kahapon partikular sa lungsod ng Maynila na naging dahilan din sa pag-stranded ng maraming pasahero.
Nagdagdag ng sobrang pagsisikip sa daloy ng trapiko ang malaking sunog na naganap sa isang squatters area sa panulukan ng Quezon Blvd. at Recto sa Maynila.
Maraming commuters na patungo sa Quiapo ang naipit sa trapik lalo pa’t first Friday o Quiapo Day kaya’t agad na nagdeploy ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ng 200 enforcers.
Agad na kinordon ng mga tauhan ng MTPB at mga pulis ang ilang kalsada kung saan tanging ang mga bumbero lamang ang pinapayagan na makapasok sa lugar.
Nagsagawa rin ng re- routing ang MTPB upang maging tuluy-tuloy ang daloy ng mga sasakyan.
Ang mga manggagaling sa Recto –Avenida ay sinara sa motorista kung saan ang mga magtutungo sa Morayta ay kumaliwa sa Avenida, kumanan sa Remigio at pinadiretso sa Tolentino St.
Umabot sa 500 kabaha-yan at commercial stalls sa CM Recto Avenue, Maynila ang naabo sa sunog.
Nadamay din ang mga pagawaan ng mga pekeng dokumento tulad ng diploma at lisensiya.
Halos nadilaan na ang women’s dormitory ng Manila City jail sa sunog na umabot sa general alarm.
Nabatid na nagsimula ang sunog na alas- 9:08 ng umaga at naideklarang fire under control alas-12:14 na ng tanghali.
Ayon kay Manila Fire Department head Superintendent Jaime Ramirez, masyado umano silang nahirapang makapasok sa lugar, dahil sa unang Biyernes ng buwan at maraming nagtutungo sa simbahan ng itim na Nazareno sa Quiapo.