MANILA, Philippines – Upang higit na mapangalagaan ang kapakanan ng mga kabataan at makaiwas sa anumang bisyo tulad ng droga, pinangunahan ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte ang paglulunsad sa Barangay Council for the Protection of Children (BCPC) sa Liwasang Aurora, Quezon City Circle.
Ayon kay Belmonte, layunin ng programa na higit na mapalakas at mapag-ibayo ang karapatan ng bawat kabataan sa komunidad na ginagalawan at malabanan ang anumang mga pang-aabuso sa kanilang hanay.
Ngayong taon, ang programa na may temang “Batang QC, Batang may Kinabusakan, Dito sa QC Di ka Maaabuso, di ka Mapapabayaan” ay dinaluhan ng ibat-ibang mga kabataan mula sa 6 na distrito sa lungsod kasama na ang mga barangay officials at mga magulang na nagkapitbisig para sa tagumpay ng programa.
Bahagi ng BCPC project ang isinagawang patimpalak sa sayawan na pinamagatang “Danz for Joy” para sa mga kabataan.
“Sa proyektong ito ay nais nating maipamalas sa mga kabataan na nandito kami para tulungan silang mapangalagaan ang kanilang karapatan, at hayaan silang makilahok sa mga programang magpapalawak sa kanilang kaalaman at kasanayan upang mailayo sila sa masasamang bisyo at mga pang aabuso”, pahayag ni Belmonte.
Kasama ng Vice Mayors Office sa proyektong ito, ang Drug Free-QC, Joy of Public Service, local DSWD at DPOS ng QC hall.