MANILA, Philippines – Todas ang isang mister nang saksakin sa dibdib ng kanyang kalugar na inawat nito habang nagwawala sa tapat ng kanyang bahay sa Caloocan City, kamaka-lawa ng gabi.
Nakilala ang nasawi na si Necasio Atibagos, 28, residente ng Upper Tawi-Tawi, Pangarap Village, Brgy. 181, ng naturang lungsod. Agad namang nadakip ng mga barangay tanod ang suspek na si Porferio Fuentes, alyas Dodong, 49, residente rin ng naturang lugar.
Sa ulat, dakong alas- 9:45 ng gabi nang maalimpungatan sa pagtulog si Atibagos dahil sa ginagawang pag-iingay ng suspek sa labas ng kanyang bahay.
Nilabas ng biktima ang suspek upang awatin sa pagwawala ngunit agad siyang tinarakan ng patalim sa dibdib.
Naisugod naman ng mga kaanak si Atibagos sa Dr. Jose Rodriguez Memorial Hospital ngunit hindi na umabot ng buhay habang nadakip naman ng mga barangay tanod ang suspek. Nahaharap ngayon si Fuentes sa kasong murder sa piskalya.