MANILA, Philippines - Kung silang mga kaanak ang tatanungin, sinabi ng apo ng bayaning si Gat. Andres Bonifacio na mas nais nilang ipagdiwang ang kamatayan nito kaysa sa kapanganakan.
Ito ang tinuran ni Paolo Bonifacio, isa sa mga kaapo-apohan ng bayani sa selebrasyon ng ika-152 kaarawan ng bayani kahapon sa Monumento Monument sa Caloocan City.
Sinabi ni Paolo na bagama’t masakit isipin na kapwa Pilipino ang pumaslang sa kanyang lolo, mas masarap umanong alalahanin ang legasiya nitong iniwan at ang kamatayan ni Bonifacio ang nagsemento sa kanya bilang bayani ng bansa.
Pinangunahan naman ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan ang programa sa pagbibigay-pugay sa bayani na tinawag na “Ama ng Katipunan”. Unang nagsagawa ng “ civic-military parade” sa EDSA-Monumento na pansamantalang isinara sa daloy ng trapiko. Kasama dito ang mga opisyal buhat sa militar, pulisya, bumbero, empleyado ng lokal na pamahalaan at mga “non-government organizations”.
Ginunita din sa lungsod ng Maynila ang Bonifacio day na pinangunahan ni Manila Mayor Joseph Estrada kasama ng mga opisyal ng Kagawaran ng Edukasyon at Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ang pag-aalay ng bulaklak.