MANILA, Philippines – Hindi na natapos ng isang lalaki ang kanyang huling tanghalian nang pagbabarilin ng isa sa dalawang lalaki sa loob ng isang karinderya sa Navotas City, kamakalawa ng tanghali. Nakilala ang nasawi na si Christopher Villamor, 21, at residente ng No. 147 Pitong Gatang Street, ng naturang lungsod.
Agad namang nakatakas ang dalawang hindi pa nakikilalang salarin. Sa ulat, kumakain ng kanyang pananghalian sa isang karinderya sa may Estrella St., Brgy. Tañong, ang biktima dakong alas-12:10 ng tanghali nang biglang dumating ang dalawang suspek.
Walang sabi-sabing pinagbabaril ng malapitan ng isa sa mga salarin ang biktima habang nagsilbing look-out ang isa pa. Agad na nasawi sa lugar ng krimen si Villamor dahil sa dalawang tama ng bala sa ulo at isa sa katawan. Blangko naman ang pulisya sa motibo ng pamamaslang.