MANILA, Philippines – Bilang bahagi ng kampanya na mabigyan ng libreng birth registration ang mahihirap na taga-QC, maglulunsad ang Rotary club of Cubao business center at QC civil registry department ng isang komiks information material na nagsasaad ng kahalagahan ng pagrerehistro ng kapakanan ng bawat bata.
Ang info komiks na may pangalang “Operation: Birthright” ay takdang ilunsad ni QC Mayor Herbert Bautista sa December 15.
Layunin ng hakbang na maitaas ang rate of birth registration sa QC sa pamamagitan ng komiks project, “operation: birthright, a right to a name, an identity and nationality.”
Ang proyekto ay nai-adopt na ni QC Vice Mayor Joy Belmonte sa mga public schools at iba pang populated barangays sa lunsod.
Sa ngayon, may 27,965 indigent city residents na ang nagbenepisyo sa programa mula nang ito ay ipatupad noong September 1999.
Ang Info Komiks launching ay dadaluhan ng mga opisyal ng QC, City Civil Registrar Ramon Matabang, punong barangays at iba pang stakeholders.
Ayon kay Matabang, may 400 kopya ng info komiks ang iimprenta para maipamahagi sa iba’t ibang barangay sa lunsod.
Sa record ng Civil registry department, may 6.2 percent ng populasyon sa QC ay hindi rehistrado sa tanggapan.