MANILA, Philippines – Labing-tatlo (13) katao kabilang ang tatlong wanted ang arestado sa isang “One Time Big Time Operation” na isinagawa ng Pasay City Police kahapon.
Kinilala ni Pasay City Police Chief, P/Sr. Supt. Joel B. Doria, ang mga nadakip na sina Jessifer Perez, 30, ng #107 R. Higgins St., Maricaban nasabing lungsod, may warrant of arrest dahil sa kasong murder; Donnie Martin Nacar, 32, ng #523 Dimasalang St., Maypajo, Caloocan City, may warrant of arrest sa kasong paglabag sa Section R.A. 9262 o Anti-Violence Against Women and Children Act at Jose Labadia, 29, ng #1836 Rodriguez St., Barangay 1, Pasay City, may kasong frustrated murder.
Bilangguan din ang kinahantungan nina Manuel Buhay, 45, binata, ng #13 De Agosto St., Barangay 41, Zone 6, Pasay City; Vincent Labasteda “alyas Bay”, 40, binata, isang barker, taga Batangas St., Pasay City; Marian Basas “alyas Marian”, 18, dalaga, ng #8544 Kaong St., Barangay San Antonio Village, Makati City at Anthony del Rosario “alyas Anthony”, 24, sidecar boy, taga #953 G. Dolores St., Dominga, Barangay 730, Malate, Manila.
Alas-9:00 kahapon ng umaga nang magsagawa ng “One Time Big Time Operation” o anti-criminality ang mga kagawad ng Pasay City Police sa pamumuno ni Police Chief Inspector Carlito Narag Jr. sa Tramo at F. Muñoz Sts., nasabing lugar.
Nadakip din ang anim na motoristang lumabag sa batas trapiko na sina Christopher Glor; Jun Jagong; Aldwin Abaya; Victor Flores; Manolo Libona at Albert De Leon.
Halos may dalawang oras na nagsagawa ng anti-criminality operation ang mga pulis sa naturang lugar, na nagresulta nang pagkakadakip ng 13 katao.