MMDA, mall operators nagkasundo sa mall hours

Napagkasunduan na ang mga establisimyento ay magbubukas mula alas 10:00 ng umaga hanggang alas 11:00 ng gabi mula Disyembre 1, 2015 hanggang Enero 3, 2016. Hinabaan ng dalawang oras ang operasyon ng mga malls na kasalukuyan ay nagsasara ng alas-9:00 ng gabi. Philstar.com/File

MANILA, Philippines – Nilagdaan na kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ng mga mall operators sa Metro Manila ang kasunduan para sa pagpapatupad ng adjustment sa operating hours sa layuning makabawas ng trapik ngayong buwan ng Kapaskuhan.

Ang naturang kasunduan ay nilagdaan nina MMDA Chairman Emerson Carlos at 15 mall operators, na nagpapahayag ng suporta para sa ipapatupad na adjustment sa mall operating hours.

Napagkasunduan na ang mga establisimyento ay magbubukas mula alas 10:00 ng umaga hanggang alas 11:00 ng gabi mula Disyembre 1, 2015 hanggang Enero 3, 2016. Hinabaan ng dalawang oras ang operasyon ng mga malls na kasalukuyan ay nagsasara ng alas-9:00 ng gabi.

Sinabi ni Carlos, naging taunan ang kasunduang ito sa pagitan ng MMDA at mall operators para maibsan ang masikip na daloy ng trapiko sa mga lugar malapit sa commercial establishments.

Nakapaloob pa rin sa manifesto na kailangang makipag-ugnayan ang mga mall owners sa MMDA kapag sila’y may mga gagawing special events tulad ng promotions, earthquake drills at sale.

Paalala pa rin ni Carlos sa mga mall operators, na bigyan sila ng schedule ng kanilang mga special events para agad mabigyan ito ng kaukulang paghahanda ng ahensiya partikular sa pagmamantina ng trapik sa kanilang nasasakupan.

Show comments