MANILA, Philippines – Upang maging ligtas at maging mapayapa ang pagdiriwang ng Kapaskuhan, magpapatupad ng mahigpit na seguridad ang Taguig City Police sa mga matataong lugar lalu na sa mga shopping malls.
Sa isinagawang command conference ng mga opisyal ng lokal na pulisya, sa pangunguna ni Senior Supt. Arthur Felix Asis, sinabi nitong layunin nilang maging maayos at tunay na kasiya-siya para sa lahat ang panahon ng Kapaskuhan.
Isa sa mga tutukan ng pulisya ang shopping areas sa lungsod kabilang ang Bonifacio Global City (BGC) kung saan libong katao ang nagtutungo kada araw.
Ang hakbangin ng pulisya ay base na rin sa direktiba ni Taguig City Mayor Lani Cayetano, na higpitan ang seguridad sa pangunahing business district ng lungsod.
Dahil dito, magdaragdag ng mga tauhan ang pulisya sa mga shopping mall, business district, ang BGC at iba pang matataong lugar. Ipatutupad din ang mahigpit na police visibility sa paligid ng lungsod upang mapigilan ang anumang krimen.
Nakipag-ugnayan na rin sila sa mga opisyal o tagapamahala ng mga banko, money remittances at money changing shops, pawnshops at iba pang financial institutions para pag-usapan ang paraan sa pag-iwas na maging biktima ng mga kawatan.
Nanawagan naman ang Taguig City Police sa mga mamamayan ng lungsod na makipagtulungan sa kanila sa hakbanging sugpuin ang kriminalidad at sa pagpapanatili ng peace and order kung saan may itinalaga silang hotline number (02) 642-3582, bukod pa sa PNP Patrol 117 para sa pagbibigay ng police assistance.
Gayundin, hinimok ang lahat na gamitin ang “I-Text Mo kay Chief” mobile number 0929-8072893 kung may nais na maipaabot na sumbong o reklamo at iba pang impormasyon at tinitiyak na magiging confidential ang mga ito.