MANILA, Philippines – Nasa 1,000 pamilya ang nawalan ng tahanan sa sunog na tumupok sa isang residential area sa Brgy. Addition Hills sa Mandaluyong City, kahapon ng hapon.
Itinuturing ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos, na ito na pinakamalaking sunog na naganap sa kasaysayan ng lungsod.
Sa ulat ng Mandaluyong Fire Department, sinasabing faulty electrical wiring na naganap sa tahanan ng isang alyas Jopay, ang posibleng pinagmulan ng sunog ngunit iniimbestigahan pa ito ng mga awtoridad.
Dakong alas-2:34 ng hapon nang magsimula ang sunog sa Block 32, Molave St. sa Brgy. Addition Hills at mabilis na kumalat ang apoy dahil dikit-dikit ang mga bahay sa lugar, na pawang yari sa mga light materials.
Nakadagdag din sa mabilis na pagkalat at paglakas ng apoy ang malakas na ihip ng hangin sa lugar. Dakong alas-4:30 ng hapon nang ideklarang nasa general alarm na ang sunog, na nangang hulugan na lahat ng mga fire trucks ay kailangan ng rumesponde sa lugar.
Habang isinusulat ang balitang ito ay patuloy pa ring lumalawak ang lugar na tinutupok ng apoy ngunit wala namang iniulat na may mga taong na-trapped sa loob ng mga tahanan o di kaya’y nawawala sa sunog.
Ayon kay F/Supt. Samuel C. Tadeo, NCR District 4 Fire Marshal, nahirapan ang mga pamatay sunog sa pag-apula sa apoy dahil sa kawalan ng malapit na fire hydrant sa lugar. Masikip din aniya ang mga kalsada sa lugar kaya’t hirap na magmaniobra ang mga fire truck upang kumuha ng tubig, bukod pa sa maraming taong nag-uusyuso sa mga kalsada.
Dahil sa hindi maapulang apoy ay kinailangan pang mag-request ng city government ng mga chopper para magbagsak ng tubig sa sunog.
Tiniyak naman ni Abalos na tutulungan nila ang mga residenteng nasunugan, na pansamantalang nanunuluyan ngayon sa limang evacuation centers, kabilang ang covered court sa Botanical Garden, mga basketball courts, eskwelahan at mga sports complex sa lugar, habang hindi pa batid ng mga ito kung saan sila lilipat matapos masunugan ng tahanan.