MANILA, Philippines – Sa kabila nang paulit-ulit na babala ng awtoridad na huwag magtiwala sa isang investment na naghihikayat na ang maliit na pera ay kikita ng limpak-limpak ay marami pa rin sa mga kababayan natin ang nagpapaloko.
Ito ang nabatid makaraang personal na dumulog sa tanggapan ng Quezon City Police District Station 10, ang may 20 katao, upang magreklamo laban sa kompanya na Worth Tract Marketing na matatagpuan sa Mc Doughton Bldg., East Avenue, kanto ng Edsa Brgy. Pinyahan sa lungsod na kalaunan ay nalaman nilang isang scam.
Partikular na inirereklamo ng mga biktima ang isang Po Key na kawani ng naturang kumpanya at isang Tommy John Bagayas na residente sa Bangus St., Navotas na magkatuwang umanong humikayat sa mga biktima para sumali at mamuhunan ng pera sa kanilang kompanya na ito ay tutubo ng malaki.
Sa pagsisiyasat ni PO2 Myron Forosan ng PS-10, nangyari ang insidente noong Nov. 20, 2015 nang papuntahin umano ang mga biktima sa nasabing tanggapan kung saan sila hinikayat ng mga suspect na mag-invest sa pangakong ang kanilang pera ay kikita ng malaking interest na ibibigay tuwing linggo.
Dahil sa magandang pananalita ay nagawang mapaniwala ng mga suspect ang mga biktima at nagbigay ng kanilang pera na aabot sa kabuuang halagang P1 milyon.
Nag-iwan pa umano ang mga suspect ng post dated check bilang paunang interest sa kanilang pinuhunang pera.
Pero matapos nito, ayon sa mga biktima, ay hindi na tumutugon ang mga suspect sa kanilang obligasyon, maging ang numero ng cellphone ng mga ito ay hindi na makontak.
Hanggang sa malaman nila sa banko na ang tseke na ibinigay ng mga suspect ay walang laman sanhi upang magpasya na silang magsama-samang maghain ng reklamo laban sa mga suspect.
Ayon sa pulisya, bukod sa nasabing mga biktima, nitong Nov. 13, 2015, siyam katao rin ang nagtungo sa PS-10 upang ireklamo naman ang isang kompanyang Wealth Life Incorporated matapos na matangayan din sila ng pera na kabuuang P10,000,000.
Inireklamo ng mga biktima ang isang Chinito Noel Rubis, alyas Vincent M. Lee, tumatayong pangulo ng kompanya; Else Vergara, alyas Destiny NC Bobadilla; Hilario Reyes; at isang Loyu Umali.