MANILA, Philippines – Maagang pinaalalahanan ng pamahalaang lungsod ang Caloocan ang mga motorista sa isasagawang pagsasara sa trapiko sa EDSA-Monumento sa Nobyembre 30 sa selebrasyon ng ika-152 kaarawan ni Gat. Andres Bonifacio.
Sinabi ni Mayor Oscar Malapitan na isasara sa trapiko ang lahat ng lane ng Bonifacio-EDSA mula alas-12:01 ng madaling araw ng Nobyembre 30 hanggang alas-12:01 ng Disyembre 1.
Ito ay upang bigyang daan ang mga programang inilaan ng pamahalaang lungsod sa komemorasyon ng kaarawan ng bayaning si Bonifacio na lider ng Katipunan at nanguna sa pag-aalsa laban sa mga Kastila.
Kasunod nito, isasagawa rin ang “ceremonial Christmas lights at Christmas tree switching at fireworks display” para sa pagsalubong sa Kapaskuhan.
Inabisuhan ng pamahalaang lungsod ang mga motorista sa isasagawang traffic rerouting na mamanduhan ng mga tauhan ng Department of Public Safety and Traffic Management (DPSTM).
May libre namang konsyerto na inihanda ang Cultural Affairs and Tourism Office (CATO) para sa mga residente sa Bonifacio Monument Circle (BMC).