MANILA, Philippines – Patay ang isang 41-anyos na babae nang barilin ng malapitan ng dalawang hindi nakikilalang suspek sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw. Sa report ni Det Glenzor Vallejo ng Manila Police District (MPD)-homicide section, isang tama ng bala ng baril ang naging dahilan ng kamatayan ni Marivic Manalang ng Int.31 Pilar St., Tondo habang ginagamot sa Caloocan Medical Center.
Inaalam naman ang pagkakakilanlan sa dalawang suspek na tumakas matapos ang insidente. Batay sa imbestigasyon, dakong-1:20 ng madaling araw, nang naganap ang insidente sa loob ng bahay ng biktima nang dumating umano ang mga suspek.
Kinausap ng isa sa suspek ang biktima habang ang isa pa ay nagmistulang look-out at ilang sandali pa ay itinutok ng suspek ang baril sa sentido ng biktima at pinaputok ito. Inaalam pa ng pulisya kung may kaugnayan sa droga ang motibo sa pagpatay.