Sa kabila ng perwisyo PNoy purihin pa rin sa APEC - Isko

Ayon kay Moreno, hindi naman maaaring sisihin ang pamahalaan sa pagiging ‘OA’ sa naging preparasyon at pangangalaga sa seguridad dahil ito ang kinakailangan gawin. Efigenio Toledo IV/Philstar.com/File

MANILA, Philippines – Bagamat nagdulot ng perwisyo sa iilan ang nakaraang Asia Pacific Economic Cooperation (APEC), dapat ding purihin ang administrasyon sa naging matagumpay na pagho-host nito.

Ito naman ang binigyang diin  ni Manila Vice Mayor Isko Moreno kung saan sinabi nito na maituturing na isa pa ring karangalan na mapili ang  bansa bilang lugar ng pagpupulong ng mga ‘world leaders’ na kabilang sa mga pinakamayayaman at makapangyarihang bansa sa mundo.

Ayon kay Moreno, hindi naman maaaring sisihin ang pamahalaan sa pagiging ‘OA’ sa naging preparasyon at pangangalaga sa seguridad dahil ito ang kinakailangan gawin.

Matatandaang nagresulta ito sa kanselasyon ng halos 500 flights kasabay ng pagsasara ng ilang pangunahing kalsada kabilang ang EDSA at Roxas Blvd.

Gayunman naniniwala din si Moreno na dapat ding dumaan sa audit ang umano’y P10 bilyong gastos sa APEC upang maiwasan ang pagdududa ng publiko. Ayon sa administrasyon mababawi umano ang ginastos sa benepisyo na ipinagkaloob ng ilang miyembro APEC.

Paliwanag ni Moreno, hindi naman mali o bawal ang pagho-host ng mga pagtitipong tulad nito, subalit kaila­ngan ding isaalang-alang ng pamahalaan ang kapakanan ng kanyang nasasakupan bago ang kapakanan ng iba.

Umaasa si Moreno na sa naganap na APEC ay mabibigyan na ng priyoridad ng gobyerno ang pangangaila­ngan ng milyun-milyong Pilipino na patuloy na nagugutom at walang trabaho.

Aminado pa ang bise alkalde na hindi mapapayaman ng gobyerno ang kanyang mamamayan subalit kaya nitong pataasin ang antas ng kanyang pamumuhay.

Show comments