MANILA, Philippines – Patay ang isang kawani ng Manila Electric Company (MERALCO) habang sugatan naman ang kasamahan nito at ang isang nasaging pedestrian matapos maaksidente ang sinasakyan nilang company car hanggang sa mahulog sa Pasig River sakop ng Makati City, kahapon ng umaga.
Sa report na natanggap ni Senior Supt. Ernesto T. Barlam, hepe ng Makati City Police, kinilala ang nasawi na si Jose Mari Garcia Del Rosario, 27, substation man ng MERALCO, ng Matimtiman St., Barangay Dolores, Taytay, Rizal.
Nilalapatan naman ng lunas sa isang ospital sa Quezon City ang kasamahan nitong si Robert Rillera, kawani rin ng naturang electric company at ang tumatawid namang si Edwin Billones, 44, isang mason, ng Makati City na binigyan naman ng paunang lunas sa Ospital ng Makati.
Lumalabas sa pagsisiyasat ni PO3 Wilson Nacino, ng Makati City Traffic Enforcement Bureau, naganap ang insidente alas-5:30 ng umaga sa harapan ng Guadalupe Bliss, kahabaan ng J. P. Rizal, Brgy. Cembo ng naturang lungsod.
Minamaneho ng nasawing si Del Rosario ang isang kulay silver na Toyota Vios, na kanilang company car (UGI-432) kasama si Rillera at binabagtas ang naturang lugar patungong area ng Pateros galing sa kanilang trabaho, na base sa ilang saksi ay mabilis umano ang pagpapatakbo sa naturang sasakyan dahilan upang hindi makontrol ni Del Rosario ang preno hanggang sa masagi nito ang tumatawid na si Billones.
Nagtuluy-tuloy ang naturang sasakyan hanggang sa mahulog ito sa Pasig River, subalit nagawa namang makalangoy at makalabas ni Rillera mula sa behikulo, kung kaya’t naisalba nito ang sarili.
Samantalang ang na-turang sasakyan ay tuluyang lumubog, na nasa loob si Del Rosario, na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.
Isa sa teyorya ng pulisya, posibleng pagod si Del Rosario at inaantok ito dahil buong magdamag itong naka-duty. Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente.