MANILA, Philippines – Naaresto na ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang apat na miyembro ng ‘Gapos gang’ tatlong araw matapos ang panloloob ng mga ito sa isang bahay sa Teacher’s Village na natangayan nila ng halagang P200,000 ari-arian, sa lungsod.
Kinilala ni QCPD director P/Chief Supt. Edgardo Tinio, ang mga suspect na sina Reynante Mirasol, 36, dating security guard; Teresita Batiquin, 38; Anaclita D. Zubiaga, 38 at Randy Lukban, 44, barangay tanod.
Ayon kay Tinio, nadakip ang mga suspect sa magkakasunod na follow-up operation na ginawa ng kanyang mga tauhan.
Unang nadakip ng mga tropa sina Mirasol at Batiquin sa tinutuluyan ng mga ito sa Pasig City, kasunod si Zubiaga, ganap na alas -2:30 ng madaling araw.
Matapos madakip ang tatlo, sumunod na sinalakay ng grupo ang lungga ni Lukban kung saan nadakip naman ito sa may mismong barangay hall, ganap na alas- 6 ng umaga.
Narekober sa grupo ang isang Toyota Avanza van (YEC-537), dalawang motorsiklo, isang Glock 17 Gen. 4 9mm pistol, isang Armscor caliber .45 pistol, dalawang kalibre.38 revolvers na kapwa may lamang anim na piraso ng bala, 90 rounds ng bala ng kalibre .45, isang case ng bala ng 5.56 mm M-16 bullets na parte ng ninakaw ng grupo.
Magugunitang, pinasok ng grupo ang isang bahay sa Brgy. Teachers Village East sa lungsod noong Nov. 17, 2015, sa pagitan ng alas- 3:00 hanggang alas 3:30 ng hapon.
Bukod dito, ayon kay Chief Insp. Rodel Marcelo, hepe ng CIDU, ang nasabing gang din ang responsible sa serye ng panloloob sa tatlo pang bahay sa lungsod.