MANILA, Philippines – Dalawang holdaper na itinurong sangkot sa panghoholdap at pagtangay ng service firearm ng isang policewoman ang naaresto sa isinagawang operasyon ng Manila Police District-station 1 sa Vitas, Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat mula sa tanggapan ni P/Supt. Redentor Ulsano, hepe ng MPD-station 1, dinakip ng kaniyang mga tauhan ang mga suspek na kinilalang sina Marvin Austria, 18, residente ng Unit 88, Building 9 Temporary Housing at Christopher Saradaga, 18, ng Unit 25, Bldg. 22, Temporary Housing, Tondo.
Nasamsam sa kanila ang isang sumpak na kalibre .38, bala, patalim at 6 na pirasong plastic sachet ng shabu.
Alas 10:00 ng gabi kamakalawa nang madakip ang dalawa sa pagitan ng exit gate ng Harbour Center at Marala Bridge, Vitas, Tondo.
Iniharap sa bikti-mang si PO1 Jingky Monsanto, nakatalaga sa Northern Police District (NPD) ang dalawang suspek na positibo niyang itinuro na kabilang sa humoldap sa kaniya noong Sabado ng umaga nang maipit sa trapik sa Radial 10, habang papunta sa APEC Summit dry run sa Pasay City.
Unang nadakip si Mark Emil Nicol matapos ang insidente subalit ang bag na lamang ni PO1 Monsanto ang nabawi habang ang kaniyang service firearm at cash na P8,000 ay hindi na rin nabawi.
Nasugatan din si Monsanto nang saksakin sa balikat ng isa sa 3 suspek nang siya ay manlaban habang sakay ng kaniyang motorsiklo.