MANILA, Philippines – Aabot sa P.2 milyong halaga ng ari-arian ang natangay sa magkakamag anak matapos na looban ng tatlong armadong kalalakihang miyembro ng gapos gang sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Sa ulat ng Quezon City Police Station 9, ang bahay na pinasok ng mga suspect ay matatagpuan sa 22-B, Mahiyain St., Brgy. Teachers Village East sa lungsod.
Base sa pagsisiyasat ni SPO2 Morell Carranza, imbestigador sa kaso, nangyari ang insidente sa pagitan ng alas-3:00 hanggang alas-3:30 Martes ng hapon.
Partikular na naging biktima ng mga suspect ang magkakaanak na sina Ysabelle David, 25; Christian David, 22 at pinsan na si Daniel Ramboa, 24, at si Ellen Romboa, 48; mga naninirahan sa nasabing bahay; Leo Giron, 35, aircon technician, at Carlos Rosales, 24.
Kuwento ni Ysabel David sa imbestigador, kasalukuyan na nakaupo siya sa harap ng kanilang bahay habang ang gate ng kanilang compound ay nakabukas nang biglang pumasok ang mga suspect na may hinahanap na isang alyas Gil na umano’y drug pusher.
Kasunod nito ay naglabas ng baril ang mga suspect saka sila tinutukan at iginapos ng masking tape bago pinagsama samang ikinulong sa comfort room ang mga biktima.
Nagsimula nang maghalughog at mangulimbat ng mahahalagang gamit ang mga suspect saka mabilis na nagsitakas.
Nagsasagawa na ng follow-up investigation ang awtoridad hinggil sa insidente.