MANILA, Philippines – Matapos ang matagal na paniniktik, nadakip rin ng mga tauhan ng Caloocan City Police ang Top 4 Most Wanted Criminal sa lungsod na isang dating pulis sa ikinasang operasyon, kamakalawa ng madaling-araw sa Quezon City.
Kinilala ni Caloocan Station Intelligence Branch Chief, Chief Insp. Alfredo De Guzman ang nadakip na si Francisco Acebuche, 41, ng GSIS Village, Talipapa, Novaliches, Quezon City.
Nabatid na ikaapat si Acebuche sa mga pinaghahanap na kriminal sa lungsod dahil sa mga kinakaharap na kaso partikular sa iligal na droga.
Sa ulat, may ilang buwan na umanong isinasailalim sa surveillance operation ang suspek sa bahay nito ngunit naging madulas si Acebuche. Ito ay hanggang makatanggap ng impormasyon sa isang sibilyang asset na nagturo sa kinaroroonan ng suspek.
Dakong alas-9 ng umaga nang hindi na makapalag si Acebuche matapos na ihain sa kanya ng pulisya ang warrant of arrest na inilabas ni Judge Victoriano Cabanos ng Caloocan Regional Trial Court Branch 127 sa kasong paglabag sa Section 12 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.