MANILA, Philippines – Pinag-aaralan na ng pamahalaang lungsod ng Mandaluyong na gumawa ng isang ordinansa para i-regulate o ipagbawal ang mga jeepney barker.
Ang plano ay kasunod na rin nang pagsusumikap ng lokal na pamahalaan na masolusyunan ang problema sa masikip na daloy ng trapiko.
Ayon kay Mandaluyong City Mayor Benjamin Abalos Jr., hiniling na niya sa mga kasapi ng konseho ng lungsod na pag-aralan ang posibilidad ng pagkakaroon ng ordinansa para sa mga barker.
Naniniwala ang alkalde na ang mga barker ang isa sa sanhi ng pagsisikip ng trapiko sa buong Metro Manila.
Aniya, kahit kasi nasa gitna o alanganin lugar na ay pinapara ng mga ito ang mga pampasaherong jeepney upang magsakay ng mga pasahero.
Sinabi ng alkalde na kailangan ring rebisahin ang mga batas nang sa gayon ay magkaroon ng isang ordinansa na maglalagay ng regulasyon sa mga barker.
Tiniyak naman ni Abalos na magkakaroon sila ng proyektong pangkabuhayan para naman hindi mawalan ng trabaho ang apektadong barker sa lungsod sa sandaling naipasa na ang ordinansa.