MANILA, Philippines - Hihingi ng saklolo sa Volunteer’s Against Crime and Corruption o VACC ang pamilya na magkapatid na nagsampa ng kasong murder laban sa dalawang brgy. chairman sa lungsod Pasay sa pangamba sa kanilang seguridad.
Nakatakdang dumulog sa tanggapan ni VACC spokesperson Arsenio “Boy” Evangelista sa Cubao, Quezon City ang pamilya nina Mark Anthony at Michael Baggang upang humingi ng saklolo na maproteksyunan ang kanilang mga buhay laban sa mga barangay chairman na sina Borbie Rivera, ng Brgy 112 zone 12, at Maynard Alfaro ng Brgy 134 zone 13 ng Pasay City.
Ayon kay Mary Jane Illustre, kaanak ng magkapatid na Baggang, nakukumpromiso na umano ang kanilang seguridad dahil sa mga pagbabanta ng kampo ng dalawang Brgy. Chairman na kilalang maimpluwensya sa lungsod ng Pasay. Tingin ng magkapatid na Baggang, ang pagkadawit nila sa kasong isinampa sa lungsod ng Pasay ay katuparan ng paghihiganti ng dalawang kapitan.
Malakas umano kasi ang mga ebidensya ng magkapatid sa naunang reklamo sa dalawang Brgy. Chairman na pangunahing suspek sa pagpatay sa kanilang kapatid na si Mark Felizardo Baggang. Nahaharap sa kasong murder sina Capt. Rivera at Capt. Alfaro sa sala ni Makati RTC Branch 59 Judge Winlove Dumayas. Nitong Abril 27, 2015 naaaresto si Kapitan Rivera ng Southern Police District habang nanatiling nagtatago sa batas si Kapitan Maynard Alfonso.
Kinukwestyon ngayon ni Atty. Raymond Fortun ang naisampang kaso sa Pasay RTC Branch 119 sa sala ni Judge Pedro de Leon Gutierez na naidawit ang magkapatid na Baggang sa isang shooting incident case na mahigit isang taon bago isali sa akusado ang magkapatid.
Samantala nauna nang nagpahayag si Boy Evangelista na kabilang din sa Advisory Council Member ng Southern Police District na muling pa-iimbestigahan ang mga serye ng patayan at problema sa Droga na sinasabing sangkot ang mga opisyal ng Brgy. sa Pasay.