MANILA, Philippines - Maaga ang Pasko para sa humigit-kumulang na 8,000 empleyado ng pamahalaang lungsod ng Makati makaraang iutos ni Acting Mayor Romulo ‘Kid’ Peña ang maagang pamimigay ng year-end bonus na nagkakahalaga ng P343.7 milyon, kahapon. Sinabi ni Peña na ang maagang ibibigay ang mga bonus ay naglalayong magbigay ng sapat na panahon sa mga empleyado upang makapamili ng maaga at upang maiwasan ang Christmas rush.
Idinagdag pa nito na makakaasa ang mga empleyado na makakatanggap ng makatwirang kabayaran sa kanilang serbisyo, gayundin ng mas marami pang insentibo, kasama ang mga non-monetary benefits katulad ng universal health insurance package. “Under my administration, our city employees can expect fair treatment. Those who are deserving will be granted promotion and security of tenure as soon as possible,” sabi pa ni Peña. Kasama sa year-end bonus na tinatanggap ng mga empleyado ng Makati taon-taon ay ang 13th month pay, fringe benefit na halos katumbas rin ng isang buwang sweldo, cash gift na P5,000 at P6,000 bilang incentive allowance.
Batay sa datos ng Human Resource Development Office (HRDO) ng Makati, ang pinakamababang ranggo na casual employee na may Salary Grade 1 ay makakatanggap ng P27,942 bawat isa, samantalang ang pinakamababang ranggo na regular employee ay makakatanggap ng P24,300 bawat isa. Nauna nang natanggap ng mga regular na empleyado ang kalahati ng kanilang 13th month pay noong Mayo, tamang-tama sa panahon ng enrollment. Ang kabuuang halaga ng year-end bonus ng mga empleyado sa Makati ngayong taon ay nagkakahalaga ng P343,725,836.17 na hinati-hati sa mga sumusunod: 13th month, 134.5 million; 14th/fringe benefit P127.7 million; cash gift, P39.7 million; at incentive, P41.6 million.
Noong Oktubre, natanggap ng mga empleyado ng siyudad ang Performance Enhancement Incentive (PEI) bonus na katumbas ng isang buwang sweldo, matapos pagbigyan ng Konseho ang apela ni Peña upang maaprubahan ang kaukulang appropriation para dito.