MANILA, Philippines - Napinsala ang isa sa mga sasakyan ng Highway Patrol Group (HPG) matapos mabagsakan ng gumuhong arko para i-welcome ang mga delagadong dadalo sa pagpupulong ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) sa PICC sa Pasay City kahapon. Ayon sa report na natanggap ni Senior. Supt Joel Doria, hepe ng Pasay City Police, gumuho ang APEC ark na matatagpuan sa panulukan ng P. Bucaneg at Roxas Boulevard alas-11:12 kahapon ng umaga at tiyempong nabagsakan ang nakaparadang sasakyan ng HPG (SGB-323), na minamaneho ni PO3 Noel Pastrillas. Alas-12:34 naman ng tanghali isa pang arko ng APEC ang bumagsak sa panulukan ng Vicente Sotto St., at Roxas Boulevard. Gayundin sa may panulukan ng Gil Puyat Avenue at Roxas Boulevard. Ayon kay Doria, dahilan nang pagbagsak ng mga arko ay dahil sa malakas na hangin.