Dahil sa mga sinarang kalsada matinding trapik naranasan, mga commuters naglakad na lang
MANILA, Philippines - Matinding kalbaryo sa trapik ang naranasan ng maraming motorista at daan-daang commuters ang naistranded kahapon matapos isara ang ilang pangunahing lansangan sa Kalakhang Maynila, kabilang ang malaking bahagi ng Roxas Boulevard at Diosdado Macapagal Avenue dahil sa gaganaping Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) summit.
Base sa monitoring ng Pasay City Police at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Metro Base, nabatid na daan-daang mananakay ang nabwisit at naglakad sa kahabaan ng Roxas Boulevard makaraang isara ang kalsada patungo ng Maynila dahil ang APEC summit ay gaganapin sa Philippine International Convention Center (PICC) sa CCP Complex, Pasay City.
Alas-6:00 ng umaga pa lang ay iritang-irita na ang mga commuters na nanggaling sa Cavite, Parañaque, Las Piñas at Muntinlupa City, na papasok sa kanilang mga trabaho dahil pagdating ng NAIA at Coastal Road ay pinababa na ang mga pasahero na nakasakay sa mga UV express, jeep at bus dahil isinara na ang kahabaan ng Roxas Boulevard hanggang sa may Manila Hotel sa Maynila.
Kung ganito rin naman umano ang naging sistema, dapat aniya ay isinama ng pamahalaan sa idineklarang holiday ang Nobyembre 16, araw ng Lunes para hindi na aniya naperwisyo pa ang publiko lalu na yung mga pumapasok sa opisina.
Maging sa mga service road patungong Baclaran ay hind rin pinadaanan ang mga sasakyan at napuno ng mga taong naglalakad, na galing sa NAIA Road at Costal Road.
Nabatid pa na mula sa toll gate ng Coastal road ay marami ring mga commuters ang naglakad dahil doon pa lamang ay pinapababa na sila dahil sa sinara ang kalsada at wala nang pwedeng dumaan na sasakyan.
Bukod dito, kaliwa’t kanan naman ang matinding bigat ng daloy ng trapiko ang naranasan ng mga motorista matapos isara ang ilang bahagi ng kalsada sa lungsod ng Parañaque at Pasay.
Apektado rin sa matinding trapik ang bahagi ng EDSA at maging ang South at Northbound lanes ng Skyway sa South Luzon Expressway (SLEX), na nasasakupan ng Makati, Parañaque at Pasay City.
- Latest