MANILA, Philippines – Inabisuhan ng awtoridad ngayong Lunes ang publiko na kung maaari ay huwag nang makipagsiksikan sa kalsada at manalagi na lamang sa bahay ngayong linggo ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders Meeting.
Karamihan sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila ay nakasara, habang ang iba, katulad ng EDSA ay nilagyan ng “APEC lane” kaya naman mabigat ang daloy ng trapiko.
Kaninang umaga ay naramdaman na ang epekto nito, kung saan ang ilang mga mananakay sa may Roxas Boulevard ay napilitan na lamang maglakad.
“We advise them to stay home and spare themselves the trouble of being caught in heavy traffic, or adding to the road congestion in the next four days,” pahayag ni Philippine National Police Spokesperson Chief Supt. Wilben M. Mayor.
Idineklarang holiday sa National Capital Region ang Nobyembre 18 at 19 sa mismong araw ng APEC summit, habang ang trabaho sa gobyerno at pasok sa mga pamublikong paaralan ay suspendido mula Nobyembre 17 hanggang 20.
Bukod sa mga nakasarang kalsada ay kanselado rin ang mga biyahe ng eroplano sa Ninoy Aquino International Airport dahil sa ipinatutupad na no-fly zone.
Nauna nang sinabi ng mga awtoridad na pinakamalaking hamon sa pagdaraos ng APEC sa bansa ay ang pagtiyak ng seguridad ng mga delegado mula sa iba’t ibang bansa.
Kabilang sa mga inaasahang darating si United States President Barack Obama.