MANILA, Philippines – Utas ang isang 45 anyos na lalaki matapos na pagbabarilin ng hindi nakilalang suspek na armado ng kalibre.45 na baril sa lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni PO2 Julius Raz, ng Criminal Investigation Detection Unit (CIDU) ng QCPD nakilala ang biktima na si Nicole Quizora; residente ng No.15 Quizon St., Sitio San Roque, Brgy. Bagong Pag-asa sa lungsod.
Ayon kay Raz, ang biktima ay nagtamo ng hindi baba sa sampung tama ng bala sa kanyang iba’t ibang parte ng katawan na siyang agad nitong ikinasawi.
Sa inisyal na imbestigasyon, nangyari ang insidente sa kahabaan ng Manga St., Sitio San Roque, Brgy. Bagong Pagasa, ganap na alas 9:30 ng gabi.
Sabi ng isang Renie Sumacot kasalukuyan umano siyang nasa loob ng kanilang bahay nang ipagbigay alam sa kanya na pinagbabaril at napatay ang biktima.
Dahil dito ay agad na pinuntahan ni Sumacot ang lugar kung saan niya nakitang nakabulagta at wala nang buhay ang biktima habang duguan ito.
Matapos ay agad na ipinagbigay alam ni Sumacot ang insidente sa mga awtoridad. Ayon pa kay Raz, nahihirapan silang makakuha ng impormasyon hingil sa salarin dahil sa takot ng ilang saksi na sila naman ang balikan.
Ang pagkasangkot sa iligal na droga ang tinitignang motibo ng otoridad sa naturang krimen, bagay na kanila ngayong iniimbestigahan.