MANILA, Philippines – Ibinasura ng Metropolitan Trial Court ang kasong paglabag sa P.D. No 1602 at direct assault laban sa anim katao na dinakip matapos na mahuling naglalaro ng cara y cruz sa Sampaloc, Maynila.
Batay sa desisyon ni MTC Branch 3 Judge Juan Bermejo, dinismis ang kasong illegal gambling at direct assault laban kina Jon-Jon Brioso, Jayson Aguilar, Carlos Aguilar, Alberto Aguilar, Romeo Aguilar at Julius Carl Aguilar bunsod na rin ng kakulangan ng mga sapat na ebidensiya at testimonya.
Lumilitaw na inaresto ang anim dakong alas 7:50 noong Hunyo 12, 2012 sa Ilang-Ilang Alley, M. Dela Fuente St. Sampaloc, Maynila habang nagsasagawa ng pagpapatrolya ang mga kagawad ng Manila Police District- Station 4( Sampaloc).
Subalit nang nasa presinto na ay sinabi nito PO2 Lawrence Sagum sa kanyang testimonya na siya ang pinagtulungang itulak ng mga nahuling suspek na nagresulta naman ng kanyang mga sugat.
Sinabihan pa umano siya niina Romeo, Carl, at JC ng “Putang Ina Mo Ikaw Ang Kakasuhan Namin Ng Trespassing”. Ngunit ang nasabing testimonya ay hindi sinuportahan ng iba pang arresting officers.
Hindi rin umano sapat ang mga iprinisintang ebidensiya ng mga pulis sa korte upang ma convict ang mga akusado sa mga nasabing kaso.
Ang mga akusado ay kinatawan ni dating IBP Governor for Greater Manila Region at pangulo ng Philippine Trial Lawyers Association (PTLA) Atty. Jose Icaonapo, Jr. ng Icaonapo Litong and Associates Law Office.