MANILA, Philippines – Isang 48- anyos na dalaga ang nagpakamatay sa pamamagitan nang pagbigti sa sarili sa loob ng kanilang tinutuluyan sa lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni PO2 Julius Balbuena, nakilala ang nasawi na si Susana Nava, na nadiskubre lamang ng isang residente habang nakabigti sa loob ng kanyang bahay sa NPC Mindez St., Brgy. Baesa sa lungsod, alas-6 ng gabi.
Ayon kay PO2 Balbuena, napadaan umano si Mabelyn Herbito sa bahay ng biktima at dahil nakabukas ang pintuan nito ay nagpasya siyang silipin ang loob kung saan niya nakita ang biktima na nakabigti sa kisame gamit ang black and white long sleeves na ipinalupot niya sa kanyang leeg.
Agad na humingi ng tulong si Herbito sa mga kapitbahay at pinagtulungan nilang kalasin buhat sa pagkakabigti ang biktima saka itinawag ang insidente sa barangay na siya namang tumawag ng awtoridad para sa imbestigasyon.
Wala namang nakitang anumang sugat sa katawan ng biktima. Hindi naman malinaw kung ano ang posibleng dahilan sa pagpapakamatay nito.