MANILA, Philippines – Sanhi ng mga kontrabandong nasamsam sa magkakasunod na ‘Oplan Galugad’, kinumpirma kahapon ng opisyal na tagapagsalita ng Bureau of Corrections (BuCor) at New Bilibid Prison (NBP) chaplain Msgr. Roberto “Bobby” Olaguer ang napipintong balasahan ng mga personnel sa naturang pambansang bilangguan.
Nilinaw ni Olaguer, na ang napipintong reshuffle sa mga kawani ng NBP ay nakabase sa resulta ng isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang mga empleyado at opisyal na umano’y kasabwat kung bakit nakakapuslit sa bilangguan ang mga kontrabando.
“So far, pinaplano ng NBP director, na pwedeng mangyari yun depende sa kalalabasan ng investigation, kasi alam na natin kung papaano nakapapasok yung mga baril,” sabi ni Olaguer.
“Yung mga kontrabando na hindi pa natin ma-identify, at yung mga taong behind dun sa pagpasok ng mga iyon, pag-na-identify na ay aalisin o ililipat, pero halos monthly nga nagre-reshuffle ng mga tauhan”, dagdag pa nito.
Ang napipintong hakbangin ng BuCor ay matapos makasamsam ang raiding team nito noong Nobyembre 5 ng mga saku-sakong mga kontrabando na kinabibilangan ng mga matataas na kalibre ng baril, assorted na mga bala, mga patalim, appliances, electronic gadget, cellphone, shabu at sex toys sa loob ng isang abandonadong kubol ng Commando Gang.
Samantala, noong Nobyembre 11 ay nakakumpiska naman ng iba’t ibang cellphones, mga droga, mga patalim, isang TV set at air-conditioning unit sa selda ni dating Calauan Mayor Antonio Sanchez. Mahigit nasa P.4 million (P400,000.00) cash ang nakuha pa rin ng raiding team ng BuCor mula sa mga kubol ng Quadrant 4 ng NBP, kasama rin ang sari-saring appliances at mga imported na aso.
Sa kasalukuyan, ayon kay Olaguer ay isang prison guard ang nagbabantay sa kada 30 bilang na bilanggo, na dapat aniya ay isa sa bawat walong preso upang mabantayan nang husto ang mga ito.